Thursday, 23 August 2012

Kakaning Pinoy : Daanin Natin sa Ma-Putong Usapan




            Napakaraming mga kakaibang kakanin dito sa ating bansa. Nabibilang na dito ang sapin sapin, kutsinta, biko, maja, budin at ang sentro ng aking pag-aaral , ang puto. Ang kakanin na ito na kadalasang gawa sa harinang bigas ang madalas na nakikita nating tinitinda tuwing umaga ng mga nagbibisikleta at kadalasang may torotot pa para makatawag ng atensyon ng tao.  Gaano nga ba kalakas ang dating nito sa ating mga Pinoy? Bakit nga ba maraming uri ang kakaning ito at saan nga ba nagmula ang mga ito?
           
            Ang tinatawag nating puto na kadalasan ay puti at hugis bilog ang kadalasang makikita nating kinakain ng isang karaniwang tao kapag almusal. Sinasabi rin na ang puto ay ang perpektong katambal ng dinuguan sa hapag kainan. Ayon sa “Recipe Book of the Filipino Cuisine” ang puto ay isang tradisyonal na pagkain na maaaring nagmula sa Pilipinaso hindi kaya’y Indonesia. Ang kakaning ito ay gawa sa pinasingawang galapong o harinang bigas. Ang kakaning ito ay sadyang mayroong napakaraming baryasyon, madalas na batayan para makilala ang isang uri ay ang itsura at ang lasa nito. Dito sa Pilipinas ay napakaraming uri ng puto, hindi natin maikakaila na mahal na mahal ng mga Pinoy ang naturang kakanin. Puto bumbong, puto lanson, puto manapla, puto maya, puto-pao at ang puto seko, iyan ay 6 lamang sa uri ng puto, parehas mang puto ang mga ito, ngunit bawat isa’y may kakaibang katangian at pinanggalingan na aking tatalakayin.
           
            Tuwing sasapit ang Disyembre aba’y ano pa ba ang unang pumapasok sa ating isipan? Hindi ba’t ang pagsapit ng Pasko at ng hindi matapos tapos na simbang gabi? Tuwing tapos naman ng misa sa simbahan ang unang hinahanap ng Pinoy ay ang masarap at malagkit na puto bumbong. Ang putong ito ay gawa sa malagkit na harina ng kanin na pinasok sa kawayan na may asukal at ginadgad na niyog at matapos ay pinasisingawan. Ito ay isa sa mga kakaning hindi maaaring mawala sa natatanging okasyon na ito.

            Sino nga namang mag-aakala na ang Cassava o kamoteng kahoy ay maaari palang gawing puto? Iyan ang naisip gawin ng mga Ilonggo, ang puto lanson. Ang uri ng puto na ito ay gawa sa Cassava o kamoteng kahoy at patok na patok sa mga kalye ng mga Bisaya. Kinakain ito habang mainit-init pa at madalas ay nilalagyan pa ng muscovadong asukal sa itaas para lumabas ang lasa ng Cassava habang ito ay iyong kinakain. 
            Kung may sariling puto na gawa ang mga Ilonggo ay mayroon din naman ang mga tagal Negros, at yun ay ang puto manapla. Gaya ng mga normal na puto ay gawa rin ito sa harina ng bigas na pinasingawan ngunit ito ay may dahon ng saging sa ilalim para maiwasan ang pagkasunog at mapabango ang puto na ito.
            Marahil nung bata ka ay narinig mo na ang pang-aasar na “ Gaya gaya puto maya paglaki buwaya!” Talagang isang katunayan na kahit ang batang Pinoy ay alam ang pagkaing ito. Ang puto maya ay uri ng puto na niluto sa gata ng niyog na madalas ay kinakain na may kasamang ginadgad na niyog at nilalagyan pa ulit ng sinunog na niyog sa ibabaw nito.
            Kung inaakala niyong ang puto ay hanggang malagkit lang at pinasingawan ay nagkakamali kayo. Ang huling 2 uri, ang puto pao at puto seko ay naiiba. Ang puto pao ay ang pinaghalong puto at siopao, dun nito nakuha ang pangalan nito. Simple lamang ito, puto na nilagyan ng asado o hindi kaya ay adobo, tipikal na katangian ng siopao at ang tinapay naman ay ang katangian ng puto. Ang huli naman ay ang puto seko. Ito na yata ang pinakakakaiba sa mga puto na nabanggit sa itaas. Mula sa pangalan nito ( ang orihinal na pangalan ay Puto Seco ), literal na ibig sabihin nito ay pinatuyong puto. Ito ay matigas at parang cookie ang kayarian.

            Matapos natin matalakay ang puto, maikling kasaysayan nito, ano nga ba ang koneksyon nito sa Pilipino? Ayon sa mga PinoyRecipe.net ang mga Pilipino ay likas na mahilig sa mga matatamis na mga pagkain, particular na yung mga malagkit, malasa at nakapagbibigay ng enerhiya. Hindi maikakailang kaya naging hilig din ng Pinoy ang bigas dahil sa parehas na katangian. Ang puto, ay likas na mataas ang carbohydrate content, ibig sabihin ay nakapagbibigay ito ng sapat na enerhiya na talagang kakailanganin ng mga Pinoy para mapanatili ang lakas sa katawan para sa araw araw. Marahil ay maaari rin nating masabi kaya nagustuhan ng mga Pilipino ang naturang kakanin ay dahil nakikita nito ang kanilang sarili dito. Ang puto ay karaniwang malagkit, parang pamilyang Pilipino, kahit na mahirap ay gusto paring nakadikit sa isa’t isa. Kaya sa akin paningin, masasabi nating ang puto ay tatak Pilipino.
Mga Pinagkuhanan:

http://www.pinoyrecipe.net/tag/puto-lanson/#axzz20ORGzHP3
http://www.choosephils.com/read_post.php?cat=food&id=584
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Puto_Bumbong
http://tl.wikipedia.org/wiki/Pasko_sa_Pilipinas
http://www.scribd.com/doc/50862517/papel-pananaliksik
http://en.wikipedia.org/wiki/Puto#Variations_of_puto

No comments:

Post a Comment