Si Jose Rizal ang
pambansang bayani ng Pilipinas, siya ang uri ng bayani na hindi lumaban o
tumuligsa gamit ang iba’t ibang uri ng sandata. Bukod tangi siya sa ganitong
katangian, lumaban siya gamit ang kanyang talino at ito ay naipakita sa
pamamagitan ng kanyang mga naisulat. Ang pinakatanyag na naisulat niya, ang
Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay sadyang hindi nagustuhan ng mga
Kastila, partikular na ang mga prayle sa kanyang panahon.
Ang kinikilala nating pambansang bayani ay tubong
Calamba, Laguna. Bata pa lamang ay nagsimula na siyang magpakita ng angking
talino at pagiging malikhain. Para sa edukasyon at para sa bayan ay nagtungo
siya ng Europa, dito ay nakilala niya rin ang ibang propagandistang Pilipino.
Sinulat niya ang 2 nobelang sadyang nagpaigting ng damdaming makabayan ng mga
Pilipino, ito ay ang Noli at El Fili. Kahit na tinutugis na siya ng mga Kastila
dahil sa mga naisulat niya, sinikap pa rin niyang magpatuloy at tumulong sa mga
kapwa Pilipino. Noong siya ay ipatapon sa Dapitan ay patungo pa rin ang
serbisyo niya sa mga kababayan. Nagpatayo siya ng maliit na ospital, bumili ng
lupa para sa mga magsasaka at nagtayo ng munting paaralan para sa mga lalaki.
Kinilala rin siya ng mga siyentipiko dahil sa kanyang nadiskubreng 3 hayop.
Noong sumiklab ang giyera sa Cuba ay nag-apply siya na
mediko doon ngunit siya’y pinabalik sa Pilipinas sa hinalang may kinalaman siya
sa paghihimagsik ng mga katipunero. Ipiniit siya sa Fort Bonifacio at ika-30 ng
Disyembre 1896 ay nahatulan siyang mamatay sa Bagumbayan o mas kilala ngayon
bilang Luneta.
Ang
Joe: The Rocksiccal ay umiikot sa istorya ng magkakaibigan na naatasang gumawa
ng isang dula tungkol sa pambansang bayani. Si Joecas, ang direktor na napili
sa unang pagkakataon nila itong ipalabas noong sila’y mga nasa hayskul pa
lamang. Muli siyang nabigyan ng pagkakataon 12 taon ang nakalilipas. Tinipon
niya ang kanyang mga kaibigan na sina Bimbo, Julia, Ambo, Hunter at ang batang
si Turing. Ang mga kaibigan niya kasama ang kanyang kasintahan na si Joanne ay
sama samang tumira sa kanyang condo habang ginagawa nila ang paghahanda para sa
palabas. Matapos matipon lahat ng kaibigan ay sinimulan nila ang pagtipon ng
mga gaganap at ang pagsasagawa ng iskript ng palabas. Mas pinili ni Joecas na
paikutin ang kuwento sa buhay pag-ibig ni Rizal, partikular na ang kwento kay
Josephine Bracken. Noong una ay nagkakasundo pa silang magkakasama subalit
dumating ang isang parte ng dula na hindi sinang-ayunan ni Joanne. Nagkaroon ng
pagtatalo, dumating pa sa punto na nagkahiwalay ang magkasintahan. Kahit
nag-away ay itinuloy nila ang palabas at sa bandang huli ay nagkasundo rin ang
magkakaibigan at naging matagumpay ang palabas. Ilang taon muli ang nakalipas
ay nanalong parangal ang palabas na ginawa nila Joecas at muli silang nagkita
sa entablado.
Ang
dekonsturksyon kay Rizal ay umikot sa buhay pag-ibig niya, partikular na kay
Josephine Bracken. Ito ay sadyang naging makulay at pinakita ang labis na
pag-ibig ng magkasintahan. Hindi ito sumentro sa purong pagkabayani ni Rizal
mas binigyang pansin ang parte ng taong nagmamahal at minamahal sa palabas.
Mula sa unang pagkikita ni Rizal at Josephine, ang pagtaliwas ng amain ni
Josephine at mga kapatid ni Rizal sa pag-ibig nila ay malinaw na naipakita.
Sadyang hindi maikakaila na ito’y maituturing na kontrobersiyal na parte ng
buhay ni Rizal dahil dito naipakita din ang pagkahati ng puso ni Rizal para sa
inang bayan at para sa babaeng kanyang minamahal dahil sa pagpapapirma ng
retraksyong mga prayle. Nangibabaw kay Rizal ang pagiging makabayan at sa huli
ay pinili niya ang inang bayan.
Naging maganda ang dekonstruksyon kay Rizal sa aking
nasaksihang palabas. Ang ipinakita sa palabas ay hindi ang paulit ulit na
pinapakita, ang pagsulat ng nobela at pagkamatay sa Luneta. Ang pag-ibig ni
Rizal ang naipakita dito at ito ay bago sa aking paningin. Ito ay umikot sa
kanyang buhay na kung ituring pa nga ng iba ay masyadong kontrobersiyal.
Kung ako ang tatanungin ay sa aking paningin at pagsusuri
ay maituturing ko itong kumpleto at sadyang maganda ang dekonstruksyon sa
palabas. Tinignan sa napakaraming anggulo ang pagkatao ni Rizal at pati na rin
ang kapareha niyang si Josephine Bracken. Malinaw ito at makikita na talagang
may pinagkuhanang tiyak ang sumulat ng dula, at ito ang aking hinahanap sa
isang palabas.
Wakas/
Rekomendasyon:
Mula
sa aking natunghayan ay labis akong nasiyahan, bukod sa napakaganda ng palabas
ay may mga bago akong nakita na hindi madalas na naipapakita kapag idinudula
ang buhay ni Rizal.
Isa lamang ang aking nais irekomenda sa mga nagpalabas.
Sa susunod na mayroon ulit silang dula ay sikapin sana nilang huwag paghintayin
ang mga manonood dahil ang oras ay nasasayang at hindi na muli maibabalik.
Siguruhin nila na handa ang lahat ng bagay ilang oras bago magkaroon ng palabas
para kapag oras na ng dula ay magiging maayos ito at maganda ang daloy ng
programa.
No comments:
Post a Comment