Thursday, 6 September 2012

Rizal sa Ibang Perspektibo


Si Jose Rizal ang pambansang bayani ng Pilipinas, siya ang uri ng bayani na hindi lumaban o tumuligsa gamit ang iba’t ibang uri ng sandata. Bukod tangi siya sa ganitong katangian, lumaban siya gamit ang kanyang talino at ito ay naipakita sa pamamagitan ng kanyang mga naisulat. Ang pinakatanyag na naisulat niya, ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay sadyang hindi nagustuhan ng mga Kastila, partikular na ang mga prayle sa kanyang panahon.
            Ang kinikilala nating pambansang bayani ay tubong Calamba, Laguna. Bata pa lamang ay nagsimula na siyang magpakita ng angking talino at pagiging malikhain. Para sa edukasyon at para sa bayan ay nagtungo siya ng Europa, dito ay nakilala niya rin ang ibang propagandistang Pilipino. Sinulat niya ang 2 nobelang sadyang nagpaigting ng damdaming makabayan ng mga Pilipino, ito ay ang Noli at El Fili. Kahit na tinutugis na siya ng mga Kastila dahil sa mga naisulat niya, sinikap pa rin niyang magpatuloy at tumulong sa mga kapwa Pilipino. Noong siya ay ipatapon sa Dapitan ay patungo pa rin ang serbisyo niya sa mga kababayan. Nagpatayo siya ng maliit na ospital, bumili ng lupa para sa mga magsasaka at nagtayo ng munting paaralan para sa mga lalaki. Kinilala rin siya ng mga siyentipiko dahil sa kanyang nadiskubreng 3 hayop.
            Noong sumiklab ang giyera sa Cuba ay nag-apply siya na mediko doon ngunit siya’y pinabalik sa Pilipinas sa hinalang may kinalaman siya sa paghihimagsik ng mga katipunero. Ipiniit siya sa Fort Bonifacio at ika-30 ng Disyembre 1896 ay nahatulan siyang mamatay sa Bagumbayan o mas kilala ngayon bilang Luneta.
Ang Joe: The Rocksiccal ay umiikot sa istorya ng magkakaibigan na naatasang gumawa ng isang dula tungkol sa pambansang bayani. Si Joecas, ang direktor na napili sa unang pagkakataon nila itong ipalabas noong sila’y mga nasa hayskul pa lamang. Muli siyang nabigyan ng pagkakataon 12 taon ang nakalilipas. Tinipon niya ang kanyang mga kaibigan na sina Bimbo, Julia, Ambo, Hunter at ang batang si Turing. Ang mga kaibigan niya kasama ang kanyang kasintahan na si Joanne ay sama samang tumira sa kanyang condo habang ginagawa nila ang paghahanda para sa palabas. Matapos matipon lahat ng kaibigan ay sinimulan nila ang pagtipon ng mga gaganap at ang pagsasagawa ng iskript ng palabas. Mas pinili ni Joecas na paikutin ang kuwento sa buhay pag-ibig ni Rizal, partikular na ang kwento kay Josephine Bracken. Noong una ay nagkakasundo pa silang magkakasama subalit dumating ang isang parte ng dula na hindi sinang-ayunan ni Joanne. Nagkaroon ng pagtatalo, dumating pa sa punto na nagkahiwalay ang magkasintahan. Kahit nag-away ay itinuloy nila ang palabas at sa bandang huli ay nagkasundo rin ang magkakaibigan at naging matagumpay ang palabas. Ilang taon muli ang nakalipas ay nanalong parangal ang palabas na ginawa nila Joecas at muli silang nagkita sa entablado.
Ang dekonsturksyon kay Rizal ay umikot sa buhay pag-ibig niya, partikular na kay Josephine Bracken. Ito ay sadyang naging makulay at pinakita ang labis na pag-ibig ng magkasintahan. Hindi ito sumentro sa purong pagkabayani ni Rizal mas binigyang pansin ang parte ng taong nagmamahal at minamahal sa palabas. Mula sa unang pagkikita ni Rizal at Josephine, ang pagtaliwas ng amain ni Josephine at mga kapatid ni Rizal sa pag-ibig nila ay malinaw na naipakita. Sadyang hindi maikakaila na ito’y maituturing na kontrobersiyal na parte ng buhay ni Rizal dahil dito naipakita din ang pagkahati ng puso ni Rizal para sa inang bayan at para sa babaeng kanyang minamahal dahil sa pagpapapirma ng retraksyong mga prayle. Nangibabaw kay Rizal ang pagiging makabayan at sa huli ay pinili niya ang inang bayan.
            Naging maganda ang dekonstruksyon kay Rizal sa aking nasaksihang palabas. Ang ipinakita sa palabas ay hindi ang paulit ulit na pinapakita, ang pagsulat ng nobela at pagkamatay sa Luneta. Ang pag-ibig ni Rizal ang naipakita dito at ito ay bago sa aking paningin. Ito ay umikot sa kanyang buhay na kung ituring pa nga ng iba ay masyadong kontrobersiyal.
            Kung ako ang tatanungin ay sa aking paningin at pagsusuri ay maituturing ko itong kumpleto at sadyang maganda ang dekonstruksyon sa palabas. Tinignan sa napakaraming anggulo ang pagkatao ni Rizal at pati na rin ang kapareha niyang si Josephine Bracken. Malinaw ito at makikita na talagang may pinagkuhanang tiyak ang sumulat ng dula, at ito ang aking hinahanap sa isang palabas.
Wakas/ Rekomendasyon:
Mula sa aking natunghayan ay labis akong nasiyahan, bukod sa napakaganda ng palabas ay may mga bago akong nakita na hindi madalas na naipapakita kapag idinudula ang buhay ni Rizal.
            Isa lamang ang aking nais irekomenda sa mga nagpalabas. Sa susunod na mayroon ulit silang dula ay sikapin sana nilang huwag paghintayin ang mga manonood dahil ang oras ay nasasayang at hindi na muli maibabalik. Siguruhin nila na handa ang lahat ng bagay ilang oras bago magkaroon ng palabas para kapag oras na ng dula ay magiging maayos ito at maganda ang daloy ng programa. 

Thursday, 23 August 2012

Kapayapaan sa Ilalim ng Kalangitan



            Isang matahimik na gabi ang ipinapakita sa pinta ni Vincent Van Gogh na “Starry Night”. Ito ang aking napiling obra para sa pagsusuring ito dahil sa pagiging kakaiba nito na tila nagpapakita ng paggalaw sa pinta.
            Mula sa pintang ito, kapansin-pansin ang pagiging isang “Impressionist” ni Van Gogh. Ang impressionism ay nagpapakita ng malayang paggamit ng mga pinta at kulay sa isang larawan para magpakita ng mga pagkilos o paggalaw. Malinaw na nakikita sa obra na tila ito’y gumagalaw, ang mga ulap ay paikot at tila ang mga mata ng nagmamasid ay pinapasunod hanggang makarating sa gitna nito. Sumunod na mapapansin dito ay ang maningning na mga bituin o tala pati na rin ang buwan. Sa bawat pag-ikot ng aking mata para makita ang kabuuuan ng pinta, ang mga maningning na mga tala at buwan ay sadyang nakakanakaw ng pansin, ito ay marahil sa paraan ng pagpinta ni Van Gogh. Pinaigting niya ang liwanag ng buwan at mga tala para ito ay magmukhang buhay at totoo, gaya ng ating nakikita sa kalangitan tuwing gabi. Pinakahuling nakatawag sa aking atensyon mula sa pintang ito ay ang matahimik pamayananan sa ibaba ng larawan. Ito ay nagpapakita ng isang natural at buhay na simbolismo ng isang matahimik na gabi sa isang komunidad. Mula dito, mahihinuha na nais ni Van Gogh na iparating na isang magandang senaryo ang isang lugar kapag ito ay tahimik at mapayapa sa ilalim ng napakalawak na kalangitan. 

Kakaning Pinoy : Daanin Natin sa Ma-Putong Usapan




            Napakaraming mga kakaibang kakanin dito sa ating bansa. Nabibilang na dito ang sapin sapin, kutsinta, biko, maja, budin at ang sentro ng aking pag-aaral , ang puto. Ang kakanin na ito na kadalasang gawa sa harinang bigas ang madalas na nakikita nating tinitinda tuwing umaga ng mga nagbibisikleta at kadalasang may torotot pa para makatawag ng atensyon ng tao.  Gaano nga ba kalakas ang dating nito sa ating mga Pinoy? Bakit nga ba maraming uri ang kakaning ito at saan nga ba nagmula ang mga ito?
           
            Ang tinatawag nating puto na kadalasan ay puti at hugis bilog ang kadalasang makikita nating kinakain ng isang karaniwang tao kapag almusal. Sinasabi rin na ang puto ay ang perpektong katambal ng dinuguan sa hapag kainan. Ayon sa “Recipe Book of the Filipino Cuisine” ang puto ay isang tradisyonal na pagkain na maaaring nagmula sa Pilipinaso hindi kaya’y Indonesia. Ang kakaning ito ay gawa sa pinasingawang galapong o harinang bigas. Ang kakaning ito ay sadyang mayroong napakaraming baryasyon, madalas na batayan para makilala ang isang uri ay ang itsura at ang lasa nito. Dito sa Pilipinas ay napakaraming uri ng puto, hindi natin maikakaila na mahal na mahal ng mga Pinoy ang naturang kakanin. Puto bumbong, puto lanson, puto manapla, puto maya, puto-pao at ang puto seko, iyan ay 6 lamang sa uri ng puto, parehas mang puto ang mga ito, ngunit bawat isa’y may kakaibang katangian at pinanggalingan na aking tatalakayin.
           
            Tuwing sasapit ang Disyembre aba’y ano pa ba ang unang pumapasok sa ating isipan? Hindi ba’t ang pagsapit ng Pasko at ng hindi matapos tapos na simbang gabi? Tuwing tapos naman ng misa sa simbahan ang unang hinahanap ng Pinoy ay ang masarap at malagkit na puto bumbong. Ang putong ito ay gawa sa malagkit na harina ng kanin na pinasok sa kawayan na may asukal at ginadgad na niyog at matapos ay pinasisingawan. Ito ay isa sa mga kakaning hindi maaaring mawala sa natatanging okasyon na ito.

            Sino nga namang mag-aakala na ang Cassava o kamoteng kahoy ay maaari palang gawing puto? Iyan ang naisip gawin ng mga Ilonggo, ang puto lanson. Ang uri ng puto na ito ay gawa sa Cassava o kamoteng kahoy at patok na patok sa mga kalye ng mga Bisaya. Kinakain ito habang mainit-init pa at madalas ay nilalagyan pa ng muscovadong asukal sa itaas para lumabas ang lasa ng Cassava habang ito ay iyong kinakain. 
            Kung may sariling puto na gawa ang mga Ilonggo ay mayroon din naman ang mga tagal Negros, at yun ay ang puto manapla. Gaya ng mga normal na puto ay gawa rin ito sa harina ng bigas na pinasingawan ngunit ito ay may dahon ng saging sa ilalim para maiwasan ang pagkasunog at mapabango ang puto na ito.
            Marahil nung bata ka ay narinig mo na ang pang-aasar na “ Gaya gaya puto maya paglaki buwaya!” Talagang isang katunayan na kahit ang batang Pinoy ay alam ang pagkaing ito. Ang puto maya ay uri ng puto na niluto sa gata ng niyog na madalas ay kinakain na may kasamang ginadgad na niyog at nilalagyan pa ulit ng sinunog na niyog sa ibabaw nito.
            Kung inaakala niyong ang puto ay hanggang malagkit lang at pinasingawan ay nagkakamali kayo. Ang huling 2 uri, ang puto pao at puto seko ay naiiba. Ang puto pao ay ang pinaghalong puto at siopao, dun nito nakuha ang pangalan nito. Simple lamang ito, puto na nilagyan ng asado o hindi kaya ay adobo, tipikal na katangian ng siopao at ang tinapay naman ay ang katangian ng puto. Ang huli naman ay ang puto seko. Ito na yata ang pinakakakaiba sa mga puto na nabanggit sa itaas. Mula sa pangalan nito ( ang orihinal na pangalan ay Puto Seco ), literal na ibig sabihin nito ay pinatuyong puto. Ito ay matigas at parang cookie ang kayarian.

            Matapos natin matalakay ang puto, maikling kasaysayan nito, ano nga ba ang koneksyon nito sa Pilipino? Ayon sa mga PinoyRecipe.net ang mga Pilipino ay likas na mahilig sa mga matatamis na mga pagkain, particular na yung mga malagkit, malasa at nakapagbibigay ng enerhiya. Hindi maikakailang kaya naging hilig din ng Pinoy ang bigas dahil sa parehas na katangian. Ang puto, ay likas na mataas ang carbohydrate content, ibig sabihin ay nakapagbibigay ito ng sapat na enerhiya na talagang kakailanganin ng mga Pinoy para mapanatili ang lakas sa katawan para sa araw araw. Marahil ay maaari rin nating masabi kaya nagustuhan ng mga Pilipino ang naturang kakanin ay dahil nakikita nito ang kanilang sarili dito. Ang puto ay karaniwang malagkit, parang pamilyang Pilipino, kahit na mahirap ay gusto paring nakadikit sa isa’t isa. Kaya sa akin paningin, masasabi nating ang puto ay tatak Pilipino.
Mga Pinagkuhanan:

http://www.pinoyrecipe.net/tag/puto-lanson/#axzz20ORGzHP3
http://www.choosephils.com/read_post.php?cat=food&id=584
http://fil.wikipilipinas.org/index.php?title=Puto_Bumbong
http://tl.wikipedia.org/wiki/Pasko_sa_Pilipinas
http://www.scribd.com/doc/50862517/papel-pananaliksik
http://en.wikipedia.org/wiki/Puto#Variations_of_puto